20/05/2026
“Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos; mapalad ang bayang Kanyang ibinukod.”
— Mga Awit 33:12
Sama-sama tayong lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin para sa kaayusan, kapayapaan, at pananagutan sa ating minamahal na bansang Pilipinas.
Ama naming Diyos,
Sa mga panahong nababalot ng takot, kaguluhan, at kawalang-katiyakan ang aming bayan, patuloy kaming lumalapit sa Inyo nang may pagpapakumbaba at pananampalataya. Kayo po ang aming kanlungan at lakas; ang Diyos na patuloy na gumagabay at nag-iingat sa aming bayan sa bawat unos at pagsubok.
Patawarin po Ninyo kami, o aming Panginoon, sa lahat ng aming mga pagkukulang. Sa mga pagkakataong kami ay naging makasarili, nanahimik sa kabila ng hayag na kawalan ng katarungan, at nagkulang sa pagmamahal sa aming kapwa at bayan. Hilumin po Ninyo ang aming mga puso sa sugat ng kasinungalingan, galit, katiwalian, at pagkakahati-hati. Nawa’y magbalik-loob kami sa Inyo bilang isang sambayanang may pusong nagsisisi, nagpapakumbaba, at muling naghahangad ng Inyong kalooban at katuwiran.
Panginoon, balutin po Ninyo ng Inyong banal na proteksyon ang aming bansang Pilipinas. Ilayo po Ninyo ito laban sa anumang panganib, karahasan, sakuna, at anumang puwersang naglalayong sirain ang pagkakaisa at pag-asa ng aming bayan. Bantayan po Ninyo ang bawat pamilya, manggagawa, kabataan, mga lingkod-bayan, frontliners, lalo’t higit ang mga kapus-palad at nangangailangan.
Pagkalooban po nawa Ninyo ng karunungan at takot sa Diyos ang mga namumuno sa aming bansa upang manaig ang katotohanan, katarungan, malasakit, at mabuting pamamahala. Maghari nawa ang kapayapaan kaysa galit, katotohanan kaysa kasinungalingan, at pagmamahalan kaysa pagkakawatak-watak.
Patuloy Ninyo po kaming gawing daluyan ng Inyong pag-asa, habag, at pagkalinga. Turuan Ninyo kaming maging ilaw sa gitna ng dilim at maging kamay Ninyo na umaabot at umaakay sa mga nalulugmok at nawawalan ng pag-asa. Nawa’y manatiling buhay sa aming puso ang diwa ng bayanihan, pananampalataya, at paglilingkod.
Patuloy naming idinadalangin na ang Pilipinas ay maging bansang kumikilala sa Inyo bilang tunay na Diyos at Hari—isang bayang nagkakaisa, matatag, at may pusong maka-Diyos at maka-Pilipino.
Ito ang aming panalangin, sa makapangyarihang pangalan ni Hesus. Amen.