13/06/2026
NHMFC NAKIISA SA PAGDIRIWANG NG IKA-128 ARAW NG KALAYAAN
Bilang pakikiisa sa paggunita sa makasaysayang deklarasyon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, ang National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC), sa pangunguna ni Pangulong Renato L. Tobias, kasama ang mga opisyales at mahigit isang daang kawani ng ahensya, ay nakiisa sa pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan na ginanap sa Quirino Grandstand, Rizal Park, Manila.
Sa temang, “Kalayaaan, Kinabukasan at Kasaysayan,” pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama ang Unang Pamilya, mga miyembro ng gabinete, mga kinatawan at lider ng ibat-ibang ahensya ng pamahalaan, at mga Diplomatic Corps, ang selebrasyon na sinimulan sa pagtaas ng watawat ng Pilipinas sa Monumento ni Rizal kasabay ang pag-awit ng Lupang Hinirang, sinundan ito ng parada na pinangunahan ng mga hukbong sandatahang nangangalaga sa seguridad at proteksyon ng Pilipinas, pagpapakita ng mga kagamitang pang-depensa, at mga pagtatanghal na sumasalamin sa mayamang kultura, husay at talento ng mga Pilipino.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino na huwag mapagod na mahalin, piliin at ipaglaban ang Pilipinas, ipalawig ang kamalayan, maging mapanuri sa katotohanan, gamitin sa tama ang kakayahan para sa kabutihan, at lumaban ng patas sa araw-araw.
“Kung mananatiling tapat sa mga adhikain na ito matitiyak na ang susunod na henerasyon ay magmamana ng isang bansa na mas matatag, mas makatarungan at mas maunlad,” saad ni Pangulong Marcos.
Binigyang diin din niya na ang kapayapaan at kasarinlan na tinatamasa sa ngayon ay tinubos ng dugo ng ating mga ninuno kaya’t nararapat na magsilbing bigkis ang bandila, ang ating pambasang awit at ang ating pagka-Pilipino tungo sa kaunlaran ng Bagong Pilipinas.
Ang pakikilahok ng NHMFC sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay patunay na buo ang suporta nito na pangalagaan at protektahan ang kalayaang tinatamasa ng ating bansa. Patuloy na magsisilbi ang NHMFC nang may buong katapatan at gagamitin ang kakayahan para sa pagtulong sa mga Pilipino na magkaroon ng ligtas, maayos at abot-kayang tahanan.***
Photo credits: Eric Tumbagahon, Jerald Clark Espeleta, Rommel Rabaca