14/07/2014
Madalas o paulit-ulit nating naririnig ang kasabihang, “ang kabataan ang pag-asa ng
bayan”. Nakakatuwang isipin na nagkaroon ito ng imortal na kahulugan sa lahat at ni
hindi man lang pinagmulan ng anumang pagdududa o selos mula sa ating mga
nakatatanda. Dahil sila ay minsan ding dumaan sa ganitong transisyon. At sa bawat
panahon at henerasyong lumipas ay nagkakaroon na lamang ng aproksimasyon ang
esensya ng pagiging “pag-asa” ng kabataan, depende sa pangangailangan ng panahong
iyon.
Sa panahon ni G*t Jose Rizal noon, ang kahulugan ng “pag-asa” ay ang pagkilos ng
kabataan laban sa kolonyalismong Espanol na masigasig nilang ginampanan mula sa
Kilusang Propaganda hanggang sa pagtatatag ng Katipunan. Nagpatuloy ang pagkilos
na ito hanggang sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano at Hapon. Pakikibaka
naman para sa demokrasya sa panahon ng diktadura ni Marcos. Nakatala na ang mga
ito sa ating kasaysayan, kaya nga’t ang mga kabataan noon ang ating mga naging
“pambansang bayani” ngayon.
Iba naman ang naririnig natin ngayon. Ang mga OFW na ang itinuturing ngayon na
“bagong bayani” ng ating bayan. Sila kasi ang nagsisilbing tagasagip ngayon ng ating
naghihingalong ekonomiya. Kalakhan sa ating mga OFW ay kabataan – mga
kabataang manggagawa na hindi pluma, itak at sibat ang gamit kundi’y propesyon at
talento sa lahat ng klase ng trabaho, at maging tapang ng loob na dumayo sa lahat ng
sulok ng mundo makaahon lamang mula sa kahirapan dito sa Pilipinas.