12/01/2025
PARA mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya: iyan ang dahilan ng mga kababayan nating nakikipagsapalaran sa ibang bansa. Hindi madali ang pagdedesisyon. Wala ring kasiguraduhan ang kanilang kaligtasan. Ngunit nakikipagsapalaran sila. Pinanghahawakan ang gahiblang pag-asa na magiging okey rin ang lahat.
Kakulangan sa trabaho sa bansa ang nag-uudyok sa marami nating kababayang magtungo sa ibang lugar upang magtrabaho. Dahil sa pag-asang kikita sila ng malaki, kahit na ang sariling kaligtasan ay inisantabi nila.
Hindi madaling iwanan ang pamilya. Hindi madali ang magdesisyong magtrabaho sa ibang bansa. Hirap, lungkot at pangungulila ang kapalit ng salaping kikitain ng ating mga kababayang OFW. Pero naniniwala silang sa kabila ng lahat ng ito, magandang buhay ang magiging kapalit niyon para sa kanilang pamilya.
Malungkot sa ibang bansa. Masakit isiping nasa malayo ka habang lumalaki ang iyong mga anak. Nag-aalaga ka ng ibang anak samantalang ang sarili mong anak ay hindi mo nasusubaybayan ang paglaki. Masakit iyon para sa isang ina. Mawalay ka nga lang ng ilang oras o araw sa iyong pamilya, nagsisikip na ang iyong dibdib, paano pa kung ilang taon ang gugugulin mo sa ibang bansa?