28/01/2023
10 awesome reasons to date a Financial Advisor
| Michelle
1. Hindi naman sa sinasabing wala kang pambayad 'no? Pero mahilig talaga silang manlibre. Sagot nila ang appetizer to main dish niyo. 'Yung grab at taxi pauwi, ikaw na. Siyempre date pa rin ito at hindi charity event. Hindi nila obligasyon manlibre, pero nasanay na rin siguro sila. Pero kung ayaw mo magpalibre, edi go.
2. May malalim silang paghuhugutan pagdating sa isyu ng lipunan kaya malalim din silang kausap. Ramdam nila ang inflation, ang pagbaba at pagtaas ng stock market, ang paglubog at paglitaw ng crypto currencies, pagbago ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, epekto ng kapitalismo sa sistema ng lipunan, kung paano ang mga naghahari-hariang pyudal at panginoong maylupa ay patuloy na binabaon ang nasa laylayan at iba pa. Hindi ka mababagot kausap ang mga Financial Advisor.
3. Marami silang alam na magagandang lugar kung saan ka pwedeng dalhin. Kung saan-saan na sila nakapunta kame-meet sa kanilang mga kliyente. Alam nila kung saan ang pinakamahal at pinakamurang restawran na malapit sa inyo. Baka nga ikwento pa niya kung paano siya pinaghintay ng client niya doon sa restawran na pupuntahan niyo para sabihing i-reschedule na lang. At ikukwento niya yan nang walang halong panlilibak o panghuhusga. Chill lang ang mga Financial Advisor.
4. Kung late kang darating sa date niyo, walang bago ron sa mga Financial Advisor. Buti nga late ka lang, 'yung iba hindi sumipot. Kapag alas dos ang usapan at dumating ka ng alas sais, tatanungin ka pa kung bakit ka nagmadaling pumunta e wala pang alas-dies. Mahaba ang pasensya ng mga Financial advisor. Sa mabagal na issuance lang sila nababagot.
5. Kapag usaping kinabukasan lang din naman, sila ang masarap kausap. Dahil magiging makabuluhan ang inyong paguusap. Mula sa tax, investment, insurance, health card, savings, budget, family planning at iba pa ay pwede niyong mapagusapan. Baka kulang ang dalawang bote ng red wine, apat na t-bone steak sa haba at ganda ng inyong diskusyon. Future-oriented ang mga financial advisor at lagi silang may suhestiyon at solusyon. Matatalino at problem solverist sila. Oo, walang solverist.
6. Kung nalaman niyang hindi sapat ang kinikita mo mula sa 'yong regular job at tingin mo ang pagta-trabaho ng 9 hours a day ay sapat na, pwede niyong pagusapan ang paghahanap ng another source of income. Huwag mo isiping iniisip niya na mali ang iyong point of view, baka kailangan mo lang umattend sa kanilang career preview. Itanong mo lang kung ano ang zoom password at i.d.
7. Hindi matatapos sa simpleng date ang inyong komunikasyon dahil mahilig sila sa "follow up". Pagkauwi niyo palang mula sa inyong date ay makaka-receive ka na agad ng,
"Salamat sa oras at sa gabing ito. Basta wag kalimutan i-send ang valid i.d. bukas. Good night."
Mahilig magpaalala ang mga Financial Advisor.
8. Handa silang makinig sa lahat ng pwede mong ikwento. Pero, huwag mo na lang siguro ikwento kung paano mo sinadyang i-lapse ang dalawa mong insurance policy dahil sa udyok ng kaibigan mong hindi mo rin mahagilap sa oras ng kagipitan. Pero, lagi silang interesado sa mga inspirational at motivational stories. They listen, more than they talk.
9. Kung ang mantra mo ay "date to marry" eh aba, baka 'yang ka-date mong Financial Advisor ay Branch Manager in the future. Baka makapangasawa ka ng isang CEO o Presidente ng isang insurance agency. Wala lang, baka lang trip mo 'yon. Wala silang ibang direksyon kundi ang pagangat.
10. At pupunta ka sa date niyo na inspired, uuwi kang insured. Dahil in less than 1 minute, issued na agad ang application mo. Ano g?